Huwebes, Pebrero 26, 2015

Lahat ng tao sa buong mundo ay isinilang na magkakaiba. Magkakaibang kultura, tradisyon, paniniwala at wika. May kani-kanilang pamamaraan ng pakikipag-usap ngunit dahil sa iisang wika na umiikot sa bawat bansa at iisang wika na magdurugdong sa buong mundo ang pagkakaunawan ay hindi naging imposible.
Sa araw-araw ginagamit natin ang sarili nating wika, ang wikang Filipino. Ang pabansang wika na nabuo dahil sa iisang layunin, ang gawing isa ang lahat ng Pilipino sa kabila ng pagkakahiwa-hiwalay ng pulo at  pagkakaroon ng “variation” ng mga salita, Cebuano, Tagalog, Pangasinense, Bisaya, Waray, “Islamic Dialect at marami pang iba. Dahil sa kahalagahan ng Wikang Filipino kaya ipinagdiriwang natin ito mula sa pagiging Araw ng Wika naging Linggo ng Wika at ngayon ay Buwan ng Wika. Ngunit hindi ba isang “irony” na  ipagdiwang natin ito, kung ang wikang umiinog sa ating bansa ay wikang banyaga?
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, at sadya naming kapuna-puna na hanggang pagdiriwang na lamang ang nagagawa natin para sa sarili nating wika. Tuwing buwan ng Agosto, nagsisilabasan ang mga panukalang “pagpapaunlad ng Wika” ngunit pagkalipas ng buwan na nakatakda isang taon nanaman itong mababaon at makakalimutan. Sa panahon natin ngayon hindi prayoridad ang pagpapa-unlad nito, dahil sa halip na gamitin ito bilang midyum ng pagtuturo ay may panukala pang tanggalin na ito at ituro ang wikang Ingles sa kadahilanang ito ang opisyal na komunikasyon sa lahat ng larangan at sulok ng mundo. Isa pang nakakalungkot at maling pag-iisip natin ang mataas na pagkilala sa mga taong Ingles ang ginagamit sa pagsasalita ngunit binabalewala ang tunay na sa atin.

Ako bilang isang mamamayan ng Pilipinas, at bilang estudyante naniniwala ako na hindi lamang sa simpleng pag-alam sa balarila’t tamang konstruksyon ng pangungusap ang magpapa-unlad sa wikang Filipino bagkus ay ang pagyakap, labis na pagmamahal at paggamit nito hindi lamang sa araw-araw kundi lalo’t higit sa mga seryosong diskurso. Kailangan mabura ang pagkakakintal sa ating isipan ang maling pananaw na ang intelihenteng talakayan ay maari lamang makamit kung gagamitin ay ang wikang Inges o wikang banyaga. Dahil kahit ito man ang kasalukuyang wika ng globalisasyon, hindi ito nangangahulugan na ibabaon natin sa limot ang tunay na tatak ng isang Pilipino, hindi ito ang natural na magdadala sa atin sa kaunlaran at pagkakaintindihan, dahil kung hindi maunlad ang sariling wika, malayo sa katotohanan ang mahigpit na pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod na maaring magresulta sa watak na kaisipan at maging ang ekonomiya at buhay ng tao ay hindi aangat. Ako at ang Wika ay iisa. Kasabay ng pag-unlad ng aking sariling Wika ang pag-unlad ko rin bilang isang Pilipino at tao.